Maulap. Mausok. Mainit. Lumalagablab ang apoy na yun. Apoy na unti-unting kumakalat sa kabahayan ng mga naninirahan doon. Maraming tao ang nagtatakbuhan, nagsisigawan, umiiyak. Kanya-kanyang bitbit ng mga gamit : damit, tabo, balde, electric fan. Ang ilan ay may dalang timbang maliit, laman noon ay tubig na ibinubuhos sa mga nagdadambuhalang apoy. Ang iba ay nawawalan na lamang ng pag-asa at ang ilan ay naghihintay na lamang ng kung anong susunod na mangyayari. Luha. Hinanakit. Hinagpis. Sa ‘di kalayuan ay may mga matang nagmamasig. Naliligo sa sariling pawis. Nakatanaw sa isang parting iyon na tila isang pagkaing nilalamon ng nakakatakot na apoy. Walang bahid ng takot. Walang luha sa mga mata. Walang lungkot na mabasa sa kanyang katauhan. Kung mayroon man, tiyak na ang diyos na lamang ang nakakaalam.
Sampung taon makaraan noon..
Sa Quiapo. Kung saan ang makikita ay ang napakaraming mamimili, mgatindera’t tinder, bumbay, nagpa-fivesix, mga sawing palad maging mga manghuhula. Bakas rito ang realidad ng buhay: mga taong naghihirap at nagsusumikap. Ngunit hindi lahat ng nagsusumikap ay nasa tamang pamamaraan. Ang ilan ay namamali ng landas: holpader, isnatser, kidnaper, pusher at rugby boy. Isa na rito ang grupo ng mga kabataan na kung tawagin ay BIGBOYZ. Limang batang kalalakihan na hastler pagdating sa maruruming pamamaraan ng pamumuhay. Mga batang biktima ng maling pagpapakahulugan sa buhay. Isa na roon si ERNESTO. Matipuno ang katawan, may bandana sa ulo at mahaba ang suot na damit. Sa edad na labing-anim ay di mo aakalaing siya ang pinuno ng grupong salot sa lipunan.mga kabataang sana’y nag-aaral at nasa tuwid na landas ngunit pinagkaitan ng tsansang magkaroon ng magandang bukas .. ng masayang pamumuhay.
Ulilang lubos si Ernesto.lider ng bigboyz --- ang grupong matinik lalo na’t pagdating sa pandurukot. Rugby boy, holdaper, isnatser at pusher. Walang kinikilalang pamilya maliban sa umampon rito .. si Mang Esteban. Ito ang kumupkop sa kanya mula ng maulila sya. Isang sisenta’y otso anyos, masayahin at positibo sa buhay. Ito rin ang bumubuhay sa kanya sa pamamagitan ng pagpapanday ngunit, tumigil ito ng soya’y dapuan ng mga sakit. Dala nito, napilitang sumali sa isang sindikato ang grupo ng Ernesto, lingid sa kaisipang siya’y tindero ng isang tindahan ng tela.
Noo’y small time lang ang raket ng grupo hangga’t unti-unting bumulusok ang kanilang kita. Minsan na rin siyang nahuli ng mga awtoridad ngunit dahil malakas ang kapit, siya’y nakakalaya. Ngunit mapaglaro talaga ang tadhana at sa kanya’y ipinakilala ang pag-ibig.
Napamahal siya kay Monica, tinder ng sampaguita. Magiliw, mabait, masipag at maaalalahanin niyang kababata. Ulila rin ito kaya’t ang kanyang amain at siya na lamang ang tanging pamilya nito. At tulad ng kanyang ama, hindi nito alam ang kanyang tunay na trabaho. Naging nobya niya ito. At di lumaon, dahil sa pagiging mapusok, nagbunga ang isang gabing pagniniig nila. Dahil rin ditto, nabuo ang isang desisyon ------- ang MAGBAGONG BUHAY/ buo na ang kanyang desisyon. Gusto niyang magbagong buhay. Magkaroon ng magandang kapalaran, ang kanyang pamilya, lalong lalo na ang kanyang magiging anak. Gusto niyang mamuhay sa malayong lugar gamit ang kanyang mga naipon buhat ng siya’y sumali sa sindikato. Sa lugar na malayo sa buhay na kanyang kinalakihan, kinamulutan. Sa lugar na kung saan, siya’y makakapagbagong buhay, makakapagpataguyod ng isang pamilya. Pamilya na kanyang inaasam-asam. Gusto niyang kumalas sa grupo, sa sindikato at sa putik na kanyang kinalulugaran. Ngunit ito’y hanggang sa panaginip na lang.
Madilim. Maputik. Maulan. Sa gilid, siya’y nagtatago. Nakapikit at wari’y natatakot. Naliligo sa sariling pawis at ulan. Nanginginig ang kalamnan. Puno ng samu’t saring emosyong nakatitig sa hawak-hawak nitong kutsilyo. Tiim-bagang inaalala ang mga pangyayaring iyon ---- pagbabaril sa kanyang amain ng walang laban, pagbababoy sa katawan ng kanyang nobya at pagpatay sa kanyang anak. Sa kanyang alaala’y rumirehistro ang mala-demonyong hitsura ng mga taong kanyang sinamahan, ng kanyang pagkakamali. Kanya ring naalala ang araw na yon. Ang anim na taong nakaraan. Ang sunog. Ang sunog na pumatay sa kanyang ama’t ina maging ng kanyang pananampalataya, ng kanyang pag-asa. Muli, umalingawngaw sa kanyang isipan ang tanong na’yon..
“NASAAN ANG DIYOS? May Diyos nga ba? Kung meron, nasaan siya ng mga oras na yon? Ng mamatay ang mga magulang ko? Aking amain? ang aking minamahal? Ng aking anak? Nasaan siya ? NASAAN?”
Siya’y napatigil. Napaisip. Kasabay ng pag-agos ng luha sa kanyang mukha ay ang sagot na kumalat sa kanyang katauhan. Unti-unti niyang naisip ang mga pagkakamali, mga pagkakamaling sana’y kanyang iniwasan, mga sariling desisyon.ngunit huli na ang lahat. At kasabay noon ang tunog ng gatilyo --- “Baaaaang”.