5:43pm Pauwi na ko ng mga sandaling yon. Hindi dahil ginabi sa kakadaldal ang guro namin kundi dahil sa pagbili ko ng paborito kong libro sa SM. Nilalakbay ko ang daang iyon patungo sa bus terminal. Dala-dala ang aking namumutok na bag, at ang kinalakhan kong whiteboard at pentel. Naglalakad ako sa eskinitang iyon ng ako’y mapatid sa isang malaking bato na sing laki ng mouse ng kompyuter. Dama ko ang pag-init ng aking mukha nang mapansin ko ang mga matang nakatitig sakin. Halos karamiha’y mga lalaking nakasuot ng puting polo at puting pantalon. Ako’y mabilis na tumayo at ipinagpag ang aking suot na bestida.
Sa muli kong pagtahak ng daan, nakita ko ang batang iyon. Maputi, mataba, maganda ang mukha maging ang suot na kamiseta. Kapansin-pansin ang aleng bumuhat sa kanya. Isang ale na sa edad kwarenta, nakapusod, at nakasuot ng duster. Sa gilid nito’y dalawang batang nagtatakbuhan at nagkukulitan. Sa aking tantiya ay nasa grade 1 o grade 2 ang mga ito. Habang karga-karga ng ale ang batang maputi, ay siya naming pahid nito ng maliit na kulay asul na bimpo sa katawan at mukha ng dalawang batang lalake. Nasa likod ako ng mga taong iyon na animo’y anino na nagbabantay. Bawat hinto ng mga bata ay siya namang hinto ng aking mga paa. Turo doon, turo ditto, tawa doon, tawa ditto, at sapakan doon, sapakan dito. Ayoko talaga sa mga bata lalo na sa mga edad lima hanggang patanda ng patanda. Ayoko sa ingay nila, sa awayan nila, sa tinis ng boses nila, sa mga nakakairitang iyak nila, at maging sa pagkakalat ng kanilang pinagkainan. Ang dalawang batang iyon, bagamat mga malilikot talaga, ay hindi naman nakakainis ang boses. Sa unang pagkakataon, nakadama ako ng pagkagusto sa mga bata. Naramdaman kong gusto ko silang hawakan, punasan ng pawis, pulbohan, punasan ang nagtutulong laway at ayusin ang kanilang mga damit ngunit, nagising ako sa isang malakas na ingay ng sasakyan. Nahulog ang bolang hawak-hawak ng batang maputi. Dinampot ito ng isa sa dalawang batang makukulit at pinunas sa uniporme nitong kulay putik saka inabot sa ale at sinabing punasan ang bola bago ibigay sa batang maputi. Agad naman itong kinuha ng ale at sinunod ang batang iyon na parang alipin ng isang batang emperor.
Malayo-layo rin ang bus terminal. Gayun din ang layo nang nilakbay ng apat na tao na yun. Tawanan, sermon at kulitan ang naririnig ko sa kanilang pag-uusap habang ang batang maputi ay matagal na tumitig sakin na parang nang-ki-kritiko ng kalahok sa Miss Universe. Maya-maya pa’y tumunog ang aking selepono. Kinuha ko iyon at binuksan ang mensahe. Siya namang rinig ko ng isang malakas na preno ng sasakyan. Mas malakas pa kesa sa narinig ko nung una. Sa hindi maipaliwanag na bagay ay napatingin ako sa apat na tao na yun. Ako’y natulala na mistulang isang batong pinako sa lupa. Dama ko ang pawis na namumuo sa aking noo habang ang likidong nagmumula sa aking mga mata ay unti-unting tumutulo. Nakita ko ang apat na taong iyon na kanina lamang ay masayang nagkakantahan at nagkukuwentuhan na ngayo’y nakabulagta sa lansangan. Pilit kong ginalaw ang aking mga paa’t binti. Sinagad sa lupa ang dalawang trianggulong pahabang kahoy na yun palapit sa kanila. Ni hindi ko na alintana kung nahulog ko nga ba ang aking selepono o kung nasaan ko nalagay ang aking namumutok na bag. Ang nasa isip ko lang, ay ang alingawngaw ng salitang “SAKLOLO!”. Agad kong kinuha ang white board at permanent marker sa aking tabi, at isinulat ang katagang “TULONG!”. Ngunit, hindi ata nila naiintindihan ang nais kong ipahiwatig kung kaya’t ako’y nagsisisigaw at pilit binubuo ang salitang “TULONG!”. Sa kasamaang palad, ni isang letra ay wala akong maibigkas liban sa ingay na kumuha ng atensyon sa mga taong naroroon. Buti na lamang at may nakaunawa, at naglakas-loob na tumulong. Binuhat niya ang dalawang bata habang ang ilang tao na naroon ay tumulong na ring magbuhat sa ale at sa batang duguan.
Hindi ko alam kung gano kabilis ang mga pangyayaring iyon. Namalayan ko na lamang na pati ako ay naidala na rin sa maputing lugar na yon. Sa lugar na hindi ko maaninag ang aking anino. Sa lugar na minsan ko ng napuntahan . Sa lugar na huli kong nakita ang aking mga magulang. Sa lugar na muli, ay puro katanungan lamang ang aking naririnig at tanging ungol lamang ang aking naisasambit. At sa gitna ng ingay na yon, naalala ko ang batang maputi na nakatitig sakin habang umiiyak. Naalala ko muli ang isang nakaraan, ang aking anino..